The Philippine Hero

Some works created by Dr. Jose Rizal.

Ang Katamaran ng mga Pilipino

Ang "Katamaran ng mga Pilipino" ay sanaysay na isinulat ni Jose P. Rizal bilang artikulo sa La Solidaridad noong taong 1891. Bilang pagtuligsa sa paratang ng mga prayle na ang mga Pilipino ay tamad, walang silbi at iresponsable, sinulat niya ang sanaysay na ito.

 

Mga Kaisipan Mula sa “Tungkol sa Katamaran ng Mga Pilipino” ni Jose Rizal

Ang salitang katamaran ayon sa may akda ay nangangahulugang kauntian ng pag-ibig sa paggawa, kakulangan ng sipag at iba pa.
Noong kalagitnaang panahon, at kahit sa maraming bayang Katoliko na mapamahiin noong mga unang taon ng ika-19 na siglo ay isinisisi sa dyablo ang lahat ng bagay na hindi maunawaan.
Katulad noong kalagitnaang panahon na pinag-uusig ang sinumang magtangkang humanap ng paliwanag sa mga bagay-bagay maliban sa pwersang nanggagaling mula sa impyerno.
Komento: Di nakapagtatakang wala ng nagkainteres mag-isip o tumuklas ng mga paliwanga sa mga bagay-bagay sa takot na maparusahan.

Ang ilan marahil ay gagawa sa udyok ng masamang kalooban, sa kabiglaanan, sa kawalan ng panuntunan, sa kaiklian ng pagmamatuwid, sa kamangmangan tungkol sa nakaraan, at iba pa; ang iba ay uulit lamang marahil, sa narinig nila, nang hindi na susuriin ito; ang ilan pa ay magsasalita, marahil sanhi sa karupukan ng pag-asa o sa udyok ng katangiang tao na ilarawang ganap o halos ganap ang lahat ng sariling kanya…

Komento: Sa madaling salita, iniuugnay ng may akda ang katamaran sa kamangmangan.
Walang pag-aalinlangan na sa Pilipinas ay may katamaran nga. Ngunit hindi natin dapat ipalagay na tuntuning pangkalahatan ang isang katangian. Ang pag-amin na ito ay sa paghahangad ng kabutuhan sa bayan. Ngunit sa halip na ariing siyang sanhin ng pagkakaurong at kagukuhan, ang katamaran malamang ang siyang bunga ng kagukuhan at ng pagkaurong, na tumutulong sa pag-unlad ng isang kasira-sirang hilig.

Ayon sa akda, wala pang nag-aaral sa sanhin ng nabanggit na katamaran. Ang mga nakaraang paliwanag ay nagkasya lamang sa pagtanggi o pagsang-ayon.
Ang tao ay hindi isang hayop na walang pag-iisip, hindi isang makina; ang layon niya ay hindi lamang yumari o gumawa…ang layon niya ay humanap ng kaligayahan ng sarili at ng kapuwa, sa pamamagitan ng paglakad sa landas ng pagkakasulong at ng ganap na kabutihan.
Kapag ang isang tao ay may sakit o kinakitaan ng sinatomas ng isang sakit, ang lahat ay nalilito; bawat isa ay umiiwas sa sagutin upang ipasagot sa iba, at sa halip na isipin ang mga sanhi, ang hinahanap ay bakahin ang mga tanda ng sakit…


Komento: Sa problema, ang dapat kitilin ay ang ugat at hindi ang mga sanga.


Ang katamaran sa Pilipinas ay isang sakit ma pinagkatandaan, datapuwa’t hindi minana. Ang mga Pilipino ay hindi lagi naging katulad ng kalagayan nila noong panahon ng Kastila at maituturong mga saksi nito ang lahat ng mga mananaysay ng mga kauna-unahang taon ng pagkakatuklas sa Pilipinas.
Komento: Ang mga Kastila malamang ang naging isa sa daan kung bakit naging tamad ang mga Pilipino.
Ang mga susunod na kaisipan ay mga patunay na ang mga Pilipino ay di likas na tamad.


Bago dumating ang mga taga-Europeo, ang mga Malayong Pilipino ay mayroong isang pangangalakal na masigla, sa kanilang pamayanan at maging sa karatig bansa. Patunay diyan ang isang sulat kamay ng isang Intsik ng ika-13 dantaon na isinalin ni Dr. Hirth (globus, Setyembre, 1889). Tinutukoy nito ang pakikitungo sa Tsina sa ibang Pulo at doo’y nabanggit ang kasipagan at karangalan ng mga tagapaglako sa Luzon na nagsisiangkat ng mga panindang Intsik.


Ang kauna-unahang bagay na napansin ni Pigafetta na pumaritong kasama si Magallanes noong 1521 nang dumating sila sa pulo ng Samar, Pilipinas ay ang pagpipitagan at kabutihan ng mga naninirahan at ang pangangalakal ng mga ito.


Kapag ang isang bahay ay magulo at walang ayos ay hindi dapat  nararapat isisi sa anak na bata ni sa mga utusan, kungdi sa pinakaulo ng sambayanan, lalo na kung ang kapangyarihan nito ay walang hanggan. Ang walang kalayaan sa paggawa ay hindi nararapat managot sa kanyang ginagawa; at ang bayang Pilipino, palibhasa’y hindi panginoon ng kanyang kalayaan, ay hindi nararapat papanagutin ni sa mga kasaliwaang palad niya, ni sa kaabahan niya. Ngunit tayo man ay may malaking bahagi ng sagutin sa pagpapatuloy ng ganitong kagustuhan.


Ayon sa kura ng panahong yon, ang mayaman ay hindi aakyat sa langit; ang mayaman sa lupa ay nalalantad sa lahat ng kaalipustahan, sa lahat ng kaligaligan…Ano ang kabutihan ng maging mayaman? Ito at ang iba pang magkakahawig na kasinungalingan ang nag-udyok upang ang mga katutubo ay mawalan ng interes sa paggawa. Minabuti na niyang maging maralita at tamad, kaysa gumanap ng tungkulin ng isang kabayang sawim-palad.


Ang labis na pagkahilig sa sugal ay taal sa mga lahing mapagsapalaran at madaling hikayatin, at ang lahing Malayo ay isa sa mga iyon. Patunay diyan ang mga sabong at mga pustahan na nabanggit ni Pigafetta. Kasama sa pagsusugal, na kinapupuot sa mabagal at mahirap na paggawa dahil sa pangako ng isang madaling pagyaman.


Ang kakulangan ng puhunan, ang kakapusan ng mga kaparaanan ay nakapagpapatigil sa lahat ng kilos at makikita ninyo kung paanong ang katutubo ay magiging sapilitang tamad, sa dahilang kung may natira man sa kanyang kaunting salapi ay kailangan niyang ibigay  sa kura dahil sa mga Santobola, mga kalmen, mga kandila, mga pasiyam at iba pa.


Walang pag-aalinlangan na mabuti ang umasa sa Diyos; datapuwat lalong mabuting bawat isa ay gumagawa ng makakaya at huwag abalahin ang Lumikha sa bawat sandali.


Napansin ng may akda na ang mga bayang lalong nananalig sa mga himala ay siyang lalong tamad, gaya ng mga anak na pinalalayaw. Kung sila ay naniniwala sa mga himala upang patulungin ang kanilang katamaran o kung sila ay mga tamad sa dahilang nananalig sila sa himala, ay hindi tiyak. Ngunit ang totoo, hindi gaanong tamad ang mga Pilipino noong ang salitang milagro o himala ay hindi pa naipapasok sa kanilang wika.        


Hindi kami babanggit ng mga ipinahayag ng mga manlalakbay, sa dahilang ang mga akda nila ay wala sa aming harap at sa dahilang ayaw lamang bumanggit ng sinaulo lamang.

Komento: Ang pahayag na ito mula sa may-akda ay patunay na hindi siya nangongopya ng kaisipan ng iba. Ang mga paksang kanyang tinalakay ay mula sa masusing pag-aaral at imbestigasyon.


Alisin ninyo ang karangalan ng isang tao, at hindi lamang inalisan ninyo siya ng lakas ng kalooban, kungdi ginawa rin niyo siya na walang saysay maging sa mga taong ibig gumamit sa kanya.


Bawat bagay sa ibabaw ng lupa ay may panundot na nagpapakilos, may kani-kaniyang kaparaanan; ang sa tao ay ang pagpapahalagasa sarili; alisan ninyo siya nito, at siya ay matutulad sa isang bangkay; at ang humahanap ng pagkilos ng isang bangkay ay walang matatagpuan kundi uod.
Ang napakasiil na pagtutro sa tahanan, ang napaniil at baog na pagtuturo sa mangilan-ngilang paaralan, ang bulag na pagpapailalim ng bata sa nakatatanda sa kanya ay daan upang ang tao ay hindi maghangad na makahigit sa mga nauna sa kanya, kungdi makuntento na lang sa pagsunod sa kanila o lumakad sa likuran nila.


Minabuti ng may akda na imbis magmungkahi ng lunas, ay suriin muna ang kadahilanan ng nasabing katamaran.


Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mayamang kaisipan na nakapaloob sa akdang “Tungkol sa Katamaran ng mga Pilipino” ni Dr. Jose Rizal. Sa kabuuan masasabi natin na hindi kinampihan o binatikos ng may akda ang nasabing katamaran, bagkus binigyan niya ng hustisya ang nasabing katangian sa pamamagitan ng pagtitimbang ng mahahalagang bagay na naka-impluwensya sa nasabing katamaran umano ng mga Pilipino.

 

Mga Dahilan ng Katamaran:

Inamin ni Rizal na ang katamaran ay namamayni nga sa maraming Pilipino subalit hindi maibibintang sa kaugaliang ito ang di pag-unlad ng bansa. Sa kabilang banda, ang ugaling katamaran ay sanhi ng mga pangyayaring naganap sa bayan. Sinabi ni Jose Rizal sa sanaysay na ito na nararapat pag-aralan ang sanhi bago ito lubusang malunasan. Binanggit niya ang ilang mga pangyayari nag dulot ng ganitong suliranin:

Mainit na Klima

Hindi daw mararapat na ikumpara ang mga Europeo sa mga Pilipino sapagkat, di tulad nila ang mga Pilipino ay kinakailangang magtrabaho sa ilalim ng mainit na arawan.

Maling Lunas

Sinabi ni Rizal na ang sakit ng Lipunan ay hindi malulunasan kung mali ang paraan ng pag-lunas ng mga Kastila. Bago pa man dumating ang mga Espanyol, may sarili ng kabuhayan ang mga Pilipino. Aktibo silang sumasali sa kalakalan. Sila rin ay nagsasaka at nagmimina, at marami rin sa kanila ang ay nakakapagsalita ng wikang kastila. Katunayan lamang ito na walang katotohanan ang sabing ang Pilipino ay likas na mga tamad.

Giyera, Expedisyon, at Pananakop

Ang pananakop at ilang mga kaguluhan na naganap sa lipunan ang nagpalala sa kalagayan ng Pilipinas. Maraming mga Pilipino ang ipinadala sa giyera upang makipaglaban sa mga kaaway ng bansa ng Espanya. Marami din ang ipinadala sa ibang lugar sa iba pang layunin. Ang ilan namang nakaranas ng matinding kaapihan ay mas pinili na mamundok na lamang. Ang resulta nito ay ang pagtakwil ng ilan sa mga sakahan.

Pagkamatay ng Kalakalan

Sanhi ng ilang mga pag-atake ng mga pirata sa mga barkong may dalang kalakal, iilan na lamang ang nakipagsapalarang makipagkalakalan. Ilan pang kadahilanan ay ang mga restriksyong pinataw ng gobyerno. Hindi dapat isisi sa mga Pilipino ang kawalang pag-asa nila sa kanilang kapalaran.

Maling Turo

Sinabi ng mga Prayle na ang mga mahihirap ay may higit na oportunidad na makaakyat sa langit. Dahil dito maraming Pilipino ang naniniwala na hindi na nila kailangang magkaroon ng ilang yaman mula sa pagtratrabaho dahil hindi rin naman nila ito madadala sa langit. Laganap rin ng mga panahong ito ang pagsusugal na kinahumalingan ng mga Pilipino. Inaasa na lamang ng mga Pilipino ang kanilang kapalaran sa sugal.

Bulok na Sistema ng Edukasyon

Tinanggap na ng mga Pilipino na sila ay nakababa sa mga kastila. Bukod pa dito, hindi sila nabibigyan ng mga oportunidad na tulad ng ibinibigay sa ibang lahi. Ang solusyon ay ang pagpapaunlad ng kalayaan at edukasyon.

Ang Pilipinas sa Loob ng Isang Daang Taon